2 grade 8 student lunod sa Laguna lake
Nadulas habang naglalaro…
BINANGONAN, Rizal, Philippines — Patay ang dalawang estudyanteng binatilyo nang malunod sa Laguna Lake habang naglalaro, sa bahagi ng Binangonan, Huwebes ng hapon.
Kinilala ang mga nasawi na sina alyas “Mark Lester”, 15-anyos; at alyas “Niedel Vince”, 15 anyos, kapwa residente ng Pasig City.
Sa ulat ng Binangonan Municipal Police, dakong alas-4:40 ng hapon ng Enero 23, 2025 nang maganap ang insidente sa Laguna lake, sakop ng Barangay Libid, Binangonan, Rizal.
Nang matanggap ng Municipal Tactical Operation Center ng Binangonan Police ang ulat, agad nilang nirespondehan.
Lumalabas sa imbestigasyon na naiahon ang dalawang binatilyo ng mga tambay sa lugar.
Ang dalawa umano ay naglalaro sa tabi ng lawa nang madulas si Mark Lester sa basang bahagi ng lawa at napakapit siya kay Niedel Vince, dahilan upang kapwa dumausdos at bumagsak sa ilalim ng lawa.
Ilang saksi ang humingi ng saklolo sa mga residente sa lugar na agad lumusong upang sagipin ang mga biktima subalit wala nang buhay nang marekober at maiahon.
- Latest