‘Killer’ ng kagawad timbog sa Bulacan
SAN MIGUEL, Bulacan, Philippines- Arestado sa operasyon ng mga awtoridad ang 39-anyos na lalaking nakatala bilang most wanted person (MWP) na sangkot sa pagpatay sa isang barangay kagawad at iba’t iba pang uri ng krimen, dito sa lalawigan.
Sa report na nakarating kay Bulacan Police director PCol. Satur Ediong, kinilala ang MWP na si alyas “Jimbo”, ng Brgy. Pulong Bayabas, San Miguel, Bulacan.
Ayon sa report, nahuli si Jimbo ng tracker team ng Provincial Intelligence Unit (PIU), Bulacan 1st and 2nd Provincial Mobile Force at San Miguel Police bandang alas-10:00 ng gabi nitong Enero 23 sa Brgy. Sta. Ines, San Miguel, Bulacan.
Ang wanted ay nalamang kabilang sa Top 9 Provincial Most Wanted Person ng Bulacan, Provincial High-Value individual, Top 10 Regional Priority Target sa ilalim ng “Coplan Kangaroo” at itinuturong isa sa mga suspek sa pamamaril at pagpatay sa Brgy. Kagawad noong Enero 27, 2024 sa San Ildefonso.
Nabatid na inaresto ang wanted sa kasong attempted murder na inisyu ng Regional Trial Court, Branch 19, City of Malolos noong November 9, 2022 na may inirekomendang P120,000.00.
Nang maaresto ang wanted ay nasamsaman pa umano ito ng caliber .22 Colt revolver na may walong bala, base na rin sa report.
Sinasabing ang naaresto ay miyembro ng Fernando Criminal Gang at isinasangkot sa gun-for-hire, gunrunning, robbery hold-ups at illegal drug operations sa Bulacan at kalapit na lalawigan.
- Latest