Underwater drone na narekober sa Bohol iniimbestigahan ng AFP
MANILA, Philippines — Iniimbestigahan na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ‘underwater drone‘ na natagpuan sa karagatan ng Bohol.
Ayon kay Col. Xerxes Trinidad, Chief ng AFP Public Affairs Office, nakipagkoordinasyon na ang AFP sa lahat ng units nito kabilang ang Naval Forces Central para mangalap pa ng karagdagang impormasyon upang madetermina ang insidente.
Base sa video na kumakalat sa social media, isang hindi natukoy na bagay na may kulay pula at abo ang makikitang lumulutang sa tabi ng bangka ng mga mangingisda.
Samantalang, ayon sa mga netizens ang nasabing bagay na narekober ng mga mangingisda kamakalawa ay isang submersible drone mula sa China.
Binigyang diin ng opisyal ang dedikasyon ng AFP sa pambansang seguridad at hinikayat ang publiko na manatiling vigilante.
Hinikayat din ng AFP ang netizens na ireport sa mga otoridad ang anumang kahinahinalang aktibidad at mga marerekober na bagay tulad ng drone para maaksiyunan ito.
Magugunita na noong Enero 15 ay iniulat ni Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, Spokesman ng Philippine Navy sa West Philippine Sea (WPS) na umaabot na sa limang submersible drone ang narerekober sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
- Latest