2 motorsiklo nagkasagian: Estudyante dedo, kaklase kritikal
CAVITE, Philippines — Patay ang isang estudyante habang nasa malubhang kalagayan ang kaklase nito makaraang sumemplang ang kanilang sinasakyang motorsiklo matapos makasagian ang kasabayang motorsiklo rin na kapwa bumabagtas sa G.R. Poblete Ave, Brgy. Biga 1, bayan ng Silang, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ng pulisya ang namatay na biktima na si Marc Luis Oliver Sebadtian Corbillon, 19-anyos, residente ng Brgy. Balite 2, Silang Cavite habang inoobserbahan sa pagamutan ang angkas na kaklase na si John Andrei Mayor, 21, ng Brgy. Ulat, Silang, Cavite.
Inoobserbahan din sa pagamutan ang babaeng driver ng motor na nakasagian ng mga biktima na kinilala sa alyas “Janeane”, 22, estudyante, residente ng Wellington Place Pasong Camachile 2, General Trias City, Cavite.
Sa ulat ng pulisya, alas-3:30 ng hapon ng maganap ang insidente, magkasabay ng bumabagtas ang motor ng mga biktima na Yamaha Mio (D997IC) at motorsiklo ni Janeane na kulay puting Honda ADV 160, na plate number plate number D259IE sa G.R. Poblete Ave, malapit sa Silang CAVSU Campus sa Brgy. Biga 1.
Lumalabas na nauuna umano ang motorsiklo ng suspek nang kumabig ito pakaliwa upang mag-u-turn. Kasunod nito ang motorsiklo ng mga biktima na hindi na nagawang makaiwas o makapreno sanhi ng banggaan.
Kapwa sumemplang ang dalawang motorsiklo at sumadsad pa ang sinasakyan ng mga biktima kaya sila tumilapon.
Agad na naitakbo ng Silang Rescue Team ang dalawang biktima subalit namatay din si Corbillon habang nilalapatan ng lunas.
Sa Estrella Hospital naman naitakbo ang sugatang babaeng nakabanggaan ng magkaklase.
- Latest