14-anyos high school student biniktima..Dating SK kagawad timbog sa holdap
CAVITE, Philippines — Arestado ang isang dating kagawad ng Sangguniang Kabataan (SK) matapos umanong mangholdap ng isang 14-anyos na estudyante kamakalawa ng hapon sa Brgy. San Nicolas, Bacoor City.
Kasong robbery ang isinampa laban sa suspek na si alyas na “Brando”, 19-anyos, dating SK Kagawad at residente ng Progressive 7, Brgy. San Nicolas 2, Bacoor City, Cavite.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-10:00 ng umaga nang maganap ang panghoholdap nito sa biktimang si alyas “Jervin”, 14-anyos, high school student, residente ng Malagasang 2, Bacoor City, Cavite.
Sa salaysay ng estudyante sa pulisya, kasalukuyan umano siyang nasa lugar upang maki-hang out sa mga kaibigan nang lapitan siya ng suspek at tinutukan ng patalim at nagdeklara ng holdap.
Kinulimbat ng suspek sa biktima ang kanyang bag, cellphone at P500 cash bago mabilis na tumakas patungo ng Brgy. San Nicolas 2 ng nasabi ring lungsod.
Agad na nagpunta sa Barangay Hall ng San Nicolas 2 ang biktima at humingi ng tulong.
Sa follow-up operation ng barangay kasama ang mga operatiba ng Bacoor Police, natiyempuhan ang suspek sa nasabing lugar at nabawi rito ang bag at cellpone na kanyang tinagay sa biktima habang hindi na naibalik ang pera nito.
Narekober din sa suspek ang may 11 pulgadang patalim na ginamit nito sa panghoholdap.
- Latest