P38 milyong droga samsam sa 100-day ops sa Northern Mindanao
MANILA, Philippines — Ibinandera ng kapulisan sa Northern Mindanao na sa loob lamang ng 100 araw ay nakasamsam sila ng umaabot sa P38 milyong halaga ng illegal na droga habang nasa 2, 324 namang mga drug personalities ang nasakote, ayon sa opisyal kahapon.
Sa report ni Police Regional Office (PRO) Northern Mindanao (PRO10) Director P/Brig. Gen. Jaysen De Guzman, nagsimula ang drug campaign nang maupo siya sa puwesto noong Setyembre 6, 2024 hanggang nitong unang linggo ng Enero ng taong ito.
Ayon kay De Guzman, nagresulta rin ang operasyon sa pagkakasamsam ng 5,676 gramo ng shabu at 1,255 gramo ng marijuana.
Binigyang diin ng opisyal na patunay lamang ito ng commitment ng PRO-10 na magserbisyo at protektahan ang mamamayan ng Northern Mindanao laban sa illegal na droga.
Inihayag din ng opisyal na nakapagsagawa rin sila ng 44 operasyon laban sa smuggling kung saan nasa 53 suspect ang naaresto habang nasa P58.6 milyong halaga ng puslit na sigarilyo ang nasamsam ng mga operatiba.
Nakapagsagawa rin ng 22 operasyon laban sa illegal na pagmimina, dito’y 64 katao ang nasakote at P18.5-M na halaga ng mga kagamitan sa illegal na pagmimina ang nakumpiska.
- Latest