Mavs tinapos ang kamalasan
LOS ANGELES — Kinalsuhan ng Dallas Mavericks ang kanilang three-game losing streak matapos nilang kalusin ang Oklahoma City Thunder, 106-98 sa 2024-2025 NBA regular season.
Bawas ang armas ng Thunder dahil hindi nakalaro ang kanilang star player na si Shai Gilgeous-Alexander kaya sinamantala ito ng Mavericks para ilista ang 23-19 karta at pagandahin ang puwesto nila sa seventh place sa Western Conference division.
Medyo may iniinda si Gilgeous-Alexander sa warmup kaya naman nagdesisyon ang koponan na hindi ito palaruin.
Nakuha ni SGA ang injury sa kanilang home win kontra Cleveland Cavaliers, inamin nitong nakaramdam siya ng sakit matapos ang masamang bagsak.
Nakapaglaro si Gilgeous-Alexander ng 40 games para sa Oklahoma City (34-7), nag-average ito ng 31.6 points, 6.0 assists, 5.4 rebounds, 2.0 steals at 1.1 blocks.
Pinamunuan ni Kyrie Irving ang opensa para sa Mavericks sa nilistang 26 markers at tig-limang rebounds at assists.
Sa Miami, nagkuwintas si Jamal Murray ng 30 points habang pinalawig ni Nikola Jokic ang kanyang NBA-leading 17th triple-double sa 133-113 panalo ng Denver Nuggets laban sa Heat.
Nagposte si Jokic ng 24 points, 12 rebounds at 10 assists. Nag-ambag si Aaron Gordon ng 16 markers para sa Nuggets na diniskaril ang pagbabalik ni Jimmy Butler sa Heat.
Sa New York, minarkahan ni Julius Randle ang kanyang pagbabalik sa Madison Square Garden sa 116-99 panalo ng Minnesota Timbewolves laban sa kanyang dating koponan na Knicks.
- Latest