Fetus inihulog mula bintana ng ospital, 18-anyos ina tiklo
VIRAC, Catanduanes, Philippines — Mahaharap sa kasong “infanticide” kapag napatunayang sinadya ng isang 18-anyos na ina na ilaglag at itapon ang fetus mula sa kanyang sinapupunan sa bintana ng comfort room ng emergency room ng Catanduanes Doctor’s Hospital sa Brgy. Valencia, Virac ng lalawigang ito kamakalawa ng umaga.
Patay na nang suriin ng doktor makaraang matagpuan ang duguang katawan ng isang lalaking fetus, na halos nasa 12-talampakan ang haba at may timbang na 1.2 kilo.
Sa ulat, umaga noong Huwebes ay nagpunta ng pagamutan ang dalagang buntis dahil sa iniindang sakit ng tiyan.
Unang tumingin ang nurse at may nakapa umano itong bukol sa tiyan ng babae. Gayunman, dahil sa nararamdamang sakit ng tiyan ay nagpaalam umano ang suspek na papasok ng banyo ng emergency room.
Ilang sandali ay nagulat ang security guard na naninigarilyo sa likurang bahagi ng gusali nang biglang may bumagsak mula sa bintana ng emergency room at nang tingnan ay tumambad ang duguang fetus kaya mabilis niyang nireport sa emergency desk at kasama ang ilang medikal staff ay agad sumugod sa lugar at nagulantang sa nakita.
Rumesponde naman ang mga tauhan ng Virac Municipal Police Station kasama si Police Staff Sgt.Jessica Timajo, ng Women and Children’s Desk Division at inaresto ang nasabing dalagang ina.
Gayunman, nananatili sa ospital ang babae para masuri sa kanyang kalagayan. Sa imbestigasyon, lumabas sa kopya ng CCTV camera na dalawang beses pumasok sa banyo ang babae at sa pangalawa ay natagalan na siya bago lumabas.
- Latest