Lolo tinubo sa noo ng kaalitan, patay
MANILA, Philippines — Isang lolo ang nasawi nang hatawin ng bakal na tubo sa ulo ng nakaalitang kapitbahay sa Taytay, Rizal,kamakalawa.
Matinding pinsala sa ulo ang ikinasawi ng biktimang si Domingo Canape,75, retiradong rider lineman ng Meralco, at residente ng Hebrew St., Brgy. Sta Ana, sa Taytay.
Nadakip naman ng mga otoridad sa isinagawang follow-up operation ang suspek na si alyas ‘Romy,’ 50, basurero, at residente rin ng naturang lugar.
Batay sa ulat ng Cainta Municipal Police Station, alas-4:30 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa harapan ng bahay ng biktima.
Sa salaysay ng saksi sa pulisya,kasalukuyang nasa labas ng bahay ang biktima nang bigla na lamang lapitan ng suspek, at walang sabi-sabing hinataw ng dalang bakal na tubo sa noo.
Nabuwal sa sementadong kalsada ang biktima at kaagad na binawian ng buhay.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na bago ang insidente ay dati nang may alitan ang biktima at suspek.
Nagsimula umano ito nang komprontahin ng biktima ang suspek dahil sa mga basurang itinatambak nito sa harapan ng kanilang bahay, kabilang na ang patay na hayop.
Dati na rin umanong sinugod ng suspek ang biktima sa bahay nito at pinalalabas ngunit hindi na lamang niya ito pinansin.
- Latest