Suspek sa brutal na pagpatay sa 15-anyos dalagita, timbog!
MULANAY, Quezon, Philippines — Dahil sa pagbabanta, aksidenteng nahuli ng mga otoridad ang pangunahing suspek sa pagpaslang sa isang 15-anyos na dalagita, may isang linggo na ang nakalilipas sa bayang ito.
Ayon kay Major Ian Java, chief of police sa bayang ito, dakong alas-3:30 kamakalawa ng hapon ay naglalakad sa kalye ang magpinsang Alberto at Ronnie nang lapitan at pagbantaan ni alyas Marcelino, 48, habang may hawak na gulok.
Pinagbantaan umano ng suspek ang magpinsan na papatayin at isusunod sa kanilang 15-anyos na pamangkin.
Tiyempo namang nagpapatrolya sa lugar ang mga operatiba ng Mulanay Police kung kaya’t isinumbong ng magpinsan ang suspek na nagresulta sa pagkakaaresto nito.
Sa interogasyon sa himpilan ng pulisya, natuklasan na ang suspek ang pumaslang sa 15 -anyos na si alyas Angelita noong Enero 3, 2025 sa Barangay Anonang ng nasabing bayan.
Si Angelita ay huling nakita ng saksi na hinahatak ng suspek patungo sa kagubatan at makaraan ay nakitang laslas ang leeg at patay na.
Nakapiit na ngayon sa municipal jail ang suspek na nahaharap sa kaukulang mga kaso.
- Latest