P29 milyong marijuana nasabat sa Isabela, 2 dayo arestado
SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines — Dinakip ang dalawang indibidwal na nagmula pa sa Metro Manila matapos masamsaman ng halos P29 milyon na halaga ng marijuana sa bayan ng Roxas sa lalawigang ito kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang dalawang nadakip na sina alyas Jayson, 30, isang call center agent at alyas Richard, 30, kapwa residente ng Barangka, Ilaya, Mandaluyong City.
Batay sa inisyal na report ng PNP, unang pinara ang isang itim na Toyota Fortuner (NHM 9054) na sinasakyan ng mga suspek sa Comelec check point sa bahagi ng Brangay Nuesa, subalit sa halip na tumigil ang sasakyan ay humarurot umano ito at nabangga pa ang Comelec signage at patrol car ng PNP.
Dahil dito, hinabol sila ng mga operatiba ng pulisya hanggang sa makorner ang mga suspek sa bahagi ng Centro II sa karatig bayan ng Mallig.
Nakuha sa mga suspek ang nasa 222 marijuana bricks na may timbang na 222 kilos at nagkakahalaga ng P26, 640,000.
Nasamsam din ang 19 rolled marijuana leaves na nagkakahalaga ng P2,280,000 at granada.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Illegal Explosive ang dalawang suspek na nasa pangangalaga ng PNP.
- Latest