Modern jeep salpok sa trike, hulog sa tulay: 2 patay, 20 sugatan
CALUMPIT, Bulacan, Philippines — Patay ang dalawa katao habang nasa 20 pang pasahero ang sugatan matapos na aksidenteng banggain ng modern jeepney ang isang tricycle hanggang sa tuluyan itong mahulog sa tulay sa Brgy. Iba O Este, dito sa bayang ito, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang nasawing tricycle driver na si Johnny Reyes, 44, residente ng Brgy. Caniogan at ang pasaherong si Angelica Esguerra, 27, ng North Ville-9, Brgy. Iba O Este: pawang sa Calumpit, Bulacan.
Aabot na sa 20 ang naitalang nasugatan sa naturang aksidente na ang karamihan ay mga estudyante.
Sa report, nangyari ang insidente dakong ala-1:40 ng hapon nitong Martes, January 14 sa kahabaan ng Mc Arthur Highway sakop ng Brgy. Iba O Este.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nawalan ng preno ang modern jeep na galing Malolos patungong Apalit hanggang sa kabigin ng driver ang manibela pakaliwa upang hindi mabangga ang mga kasunod na sasakyan subalit sinalpok nito ang kasalubong na tricycle at tuluyang mahulog ang dyip sa tulay.
Agad na dinala ng mga rumespondeng rescue team sa Bulacan Medical Center ang mga biktima para sa paunang lunas subalit idineklarang patay kalaunan ang tricycle driver at ang kanyang isang sakay.
Sa Facebook post ng ilang netizen na nasa lugar ay pahirapan ang pag-rescue sa mga sugatang pasahero dahil may kataasan ang pinaghulugan ng jeep.
Nahaharap ang driver ng jeep na nakilalang si Orlando Manayag Jr, 53 ng Sto Tomas, Pampanga sa kaukulang kaso habang nasa kostudiya ng Calumpit police station.
- Latest