Hiling na footbridge ng tribong Blaan, natupad na
COTABATO CITY, Philippines — Nagalak ang mga Blaan tribal leaders sa Region 12 sa pagkakagawa ng isang footbridge sa ibabaw ng isang malapad na ilog sa Sitio Limonzo sa Barangay Datalblao, Columbio, Sultan Kudarat na hirap tawirin ng mga katribo kapag tag-ulan na nagsasanhi ng pag-apaw nito.
Mismong ang barangay kapitan ng Datalblao, si Datu Zahir Mamalinta, ang nag-anunsyo nitong Martes, January 14, na tapos na proyekto, nagkakahalaga ng P1 million at magkatuwang na isinagawa ng municipal government ng Columbio, ng mga residente ng kanilang barangay at ng isang pribadong kumpanya, ang Sagittarius Mines Incorporated (SMI).
Ayon kay Mamalinta, ang proyektong footbridge, tinustusan ng P1 million ng SMI kaugnay ng corporate social responsibility program nito, ay malaking tulong sa mga magsasakang Blaan sa mga tribal domains nila sa kapaligiran na hirap na tawirin ang ilog sa ilalim nito tuwing tag-ulan upang maihatid sa palengke sa Columbio ang kanilang mga produkto.
Ang footbridge ay dinisenyo ng mga engineers na maaaring daanan din ng mga motorsiklo, ayon kay Columbio Vice Mayor Naila Mangelen Mamalinta, na isa sa mga nagpahayag ng kasiyahan sa pagkakagawa nito.
Nagpasalamat ang mga Blaan tribal leaders sa hindi kalayuang bayan ng Tampakan sa South Cotabato sa pagkakagawa ng footbridge.
Ayon kay Domingo Collado, Blaan tribal representative sa Sangguniang Bayan ng Tampakan, malaki ang maitutulong ng bagong tulay sa pag-unlad ng kabuhayan ng mga magsasakang Blaan sa Datalblao at mapapadali rin ang pagpapaabot sa kanila ng serbisyo publiko ng kanilang local government employees na maaari nang tumawid sa ilog kahit tag-ulan kung tutungo sa kanilang mga ancestral lands.
- Latest