‘Tulak’ sa Albay huli sa P5 milyong droga
CAMALIG, Albay, Philippines — Walang kawala ang isang itinuturing na high value individual (HVI) na tulak ng droga matapos maaresto at mahulihan ng mahigit 5-milyong pisong halaga ng shabu sa Purok-3, Brgy. Salugan ng bayang ito, kahapon ng umaga.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek na kinilalang si “Anton”, 47-anyos, residente ng Purok-Candaba, Brgy. Magurang, Polangui, Albay.
Sa ulat, dakong alas-6:55 ng umaga, katuwang ang mga kasapi ng Camalig Police Station, Provincial Intelligence Unit ng Albay Police Provincial Office at mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay inilatag ng Regional Police Drug Enforcement Unit 5 ng Police Regional Office 5 ang buy-bust operation laban sa suspek. Agad itong inaresto nang iabot sa poseur buyer ang biniling droga at tanggapin ang boodle money na ginamit sa buy-bust.
Nakuha mula sa suspek ang tatlong bungkos ng plastik na may lamang shabu na tumitimbang lahat ng 750-gramo at nagkakahalaga ng P5,100,000.
- Latest