Pulis binaril, suspek todas sa engkuwentro!
Sasakyan na walang plaka sinita
COTABATO CITY, Philippines — Isang pulis ang sugatan nang barilin ng hinihinalang kasama ng driver ng sasakyang walang plaka na kanilang sinita sa isang checkpoint sa Barangay Impao sa Isulan, Sultan Kudarat nitong gabi ng Sabado.
Sa pahayag nitong Linggo ni Brig. Gen. Arnold Ardiente, director ng Police Regional Office-12, bagama’t may tama na ng bala sa gilid ng kanang dibdib, nakaganti ng putok at napatay ni Master Sgt. Jenathan Mastura Waguia ang bumaril sa kanya habang mina-maneho ang nakumpiskang minivan na walang mga plaka patungo sana sa kanilang provincial headquarters sa Isulan.
Si Waguia, miyembro ng Sultan Kudarat Highway Patrol Team ng Regional Highway Patrol Unit-12, at ang kanyang mga kasama ay magsasagawa sana ng election gun ban checkpoint operation madaling-araw ng Linggo kaya nandoon na sila sa gilid ng highway sa Barangay Impao bago maghating-gabi ng Sabado.
Kanilang napuna ang pagdaan ng isang minivan na walang plaka sa tapat ng kanilang kinaroroonan kaya’t agad nila itong pinigil at kinumpiska dahil walang maipakitang mga plaka ang may-ari at wala ring dalang registration papers.
Mismong si Waguia ang nagmaneho ng naturang sasakyan, na ihahatid sana sa kanilang provincial headquarters nang lapitan ng mga armadong motoristang nakabuntot sa kanya at paputukan ng ilang beses habang padaan sa madilim na bahagi ng highway.
Sa kabila nito, nakaganti siya ng putok ang nasabing alertong pulis at kanyang napatay ang isa sa mga suspek na agad na iniwan ang nakabulagtang kasamahan sa highway.
Ayon kay Ardiente at sa hepe ng Isulan Municipal Police Station na si Lt. Col. Julius Malcontento, malaki ang posibilidad na kasabwat ng may-ari ng na-impound na minivan ang hindi pa nakikilalang nasawi sa tangkang pagpatay kay Waguia na ginagamot na ang mga tama ng bala sa Sultan Kudarat Provincial Hospital.
- Latest