P200K reward vs suspek sa SEA Games multi medalist
MANILA, Philippines — Naglabas ng pabuyang aabot sa P200,000 ang dalawang alkalde sa probinsya ng Oriental Mindoro sa sinumang makahuhuli ng suspek na pumaslang kay SEA Games Gold medalist na si Mervin Guarte.
Sina Jennifer Cruz ng Pola at Elgin Malaluan ng Bongabong ay nagtuwang upang agad na madakip ang tricycle driver na sinasabing sumaksak kay Guarte habang natutulog sa bahay ng kanyang kaibigan na konsehal sa Calapan, Oriental Mindoro noong Martes ng umaga.
Ayon kay Calapan City Police chief Police Lieutenant Colonel Roden Fulache, ang suspek ay ang 31-anyos na tricycle driver at kaibigan din ng biktima.
Nakilala ang suspek sa pamamagitan ng mga nakuhang CCTV malapit sa pinangyarihan ng krimen.
Makikita umano sa CCTV na dumaan ang suspek patungo sa bahay na tinutuluyan ng biktima at ilang minuto ay nakita ding naglalakad palayo sa lugar.
Matagal nang alitan ang tinitignang motibo ng pulisya sa krimen.
- Latest