Criminology student na suspek sa rape, inutas!
Resbak ng kaanak ng biktima..
MANILA, Philippines — Isang criminology student ang patay nang resbakan at malapitang barilin ng umano’y tiyuhin ng babaeng kanyang ginahasa sa Oriental Mindoro.
Dead-on-arrival sa Oriental Mindoro Central District Hospital ang 22-anyos biktima, residente ng Sitio Loob, Brgy. Quinabigan, Pinamalayan, Oriental Mindoro.
Ayon kay Police Lt. Col. Joel Paningbatan, hepe ng Pinamalayan Municipal Police Station, nangyari ang krimen bandang alas-8:30 ng gabi habang nakatayo sa tapat ng isang tindahan ang biktima nang lapitan ng suspek na hindi pa tinukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan at barilin gamit ang caliber 45.
Ani Paningbatan, ang biktima ay nahaharap umano sa kasong panggagahasa sa pamangkin ng suspek.
“Ito yung rapist sabi ng suspek, nagkaroon ng pagtatalo tapos ‘yun binaril na,” sabi ni Paningbatan.
Nagsasagawa na ng manhunt operation ang mga awtoridad laban sa suspek.
- Latest