Trader na mapagkawanggawa sa Maguindanao del Norte, utas sa ambush
COTABATO CITY, Philippines — Agad namatay sa mga tama ng bala ang isang negosyanteng kilalang mapagkawanggawa matapos tambangan ng armadong kalalakihan sa Barangay Kibleg sa Upi, Maguindanao del Norte nitong Lunes ng hapon.
Sa pahayag kahapon ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, agad pumanaw sa mga tama ng bala sa katawan at ulo ang biktimang si Edwin Liha Valdez, residente ng Barangay Nuro, Upi, Maguindanao del Norte kung saan ang kanyang pamilya ay mayroong isang grocery store.
Sakay si Valdez ng kanyang motorsiklong Honda CRF 150 nang tambangan at pagbabarilin ng mga suspek sa isang liblib na bahagi ng Cotabato-Upi Highway sa Barangay Kibleg ng naturang bayan na nagsanhi ng kanyang agarang kamatayan.
Si Valdez, negosyanteng mula sa isa sa mga pioneer families sa Upi ay kilala sa pagiging mapagkawanggawa at matulungin sa mga kababayang kailangang madala sa mga ospital, o may kailangang serbisyo ng mga ahensya ng pamahalaan.
Ayon kay Macapaz, nagtutulungan na ang mga imbestigador ng Upi Municipal Police Station at barangay officials sa pagkilala sa mga suspek upang masampahan ng mga kaukulang kaso.
- Latest