Bangka tumaob sa dagat: 1 nalunod, 10 nakaligtas
MERCEDES, Camarines Norte, Philippines — Palutang-lutang at patay na nang matagpuan ng search and rescue team ang isang mangingisda na nawala at nalunod makaraang tumaob ang kanilang sinasakyang motorized banca malapit sa Canimog Island sa karagatang sakop ng bayang ito kamakalawa ng umaga.
Kinilala ang biktima na si “Adoy”, 50-anyos, ng Brgy. San Roque, Mercedes, CamSur.
Nakaligtas naman ang 10 kasamahan at kabarangay ni Adoy nang makalangoy patungo sa baybayin ng Brgy. Manguisoc.
Sa ulat, sakay ng kulay puti at orange na fishing boat ang 11 na mangingisda nang pumalaot alas-2:30 ng hapon noong Lunes.
Gayunman, pasado alas-2 ng madaling araw habang pauwi na ang grupo nang salubungin sila ng naglalakihang alon sa dagat dahilan para tumaob ang sinasakyang bangka.
Mabilis namang lumangoy ang 10 mangingisda hanggang sa makarating ng pampang at doon nila napansin na wala ang kasamang si Adoy.
Sa tulong ng barangay, agad na humingi ng saklolo ang grupo sa Mercedes Municipal Police na bumuo ng search and rescue team katuwang ang Philippine Coast Guard at MDRRMO-Mercedes at sa ilang oras na pagsuyod sa karagatan, narekober nila ang biktima na palutang-lutang at wala nang buhay.
- Latest