Caretaker ng water station todas sa holdap!
MANILA, Philippines — Patay ang caretaker ng isang water station matapos na hatawin ng matigas na bagay sa ulo ng isang hinihinalang holdaper sa isang liblib na lugar sa Brgy. Kabulusan, Pakil, Laguna nitong Sabado ng umaga.
Duguan at wala nang buhay nang matagpuan ang katawan ng biktimang kinilalang si Ernesto Almontero alias “Ern”, 56-anyos, katiwala ng water reservoir ng Laguna Water at residente ng Brgy. Kabulusan, Pakil, Laguna.
Ayon kay Major Errol Frejas, hepe ng Pakil Police, isang residente na patungong Kaingin site ang nakadiskubre sa katawan ni Almontero habang nakahandusay sa liblib na bahagi ng Sitio Ilang-Ilang sa Brgy. Kabulusan, ‘di kalayuan sa pinagtatrabahuhan nitong water station dakong alas-6:45 ng umaga.
Sinabi ni Frejas na nai-report sa kanilang himpilan ang insidente, isang oras matapos ang pagkakadiskubre sa bangkay ng nasabing katiwala.
Sa imbestigasyon, nakitaan ang biktima ng matinding sugat sa likod ng kaniyang ulo na posibleng hinataw ng matigas na bagay sanhi ng kanyang kamatayan.
Sinabi ng saksi sa mga imbestigador na nakasubsob ang mukha sa lupa at duguan nang matagpuan nito ang biktima na nakasuot ng puting t-shirt, light blue na pantalon at itim na rain boots.
Sinabi ni Frejas na sinisilip nila ang “robbery” na motibo sa pagpatay sa biktima dahil sa nawawala ang mga personal na kagamitan nito tulad ng wallet na may kaunting halaga ng pera, cellphone at maging ang bolo nito ay nawawala.
Ayon pa sa pulisya, may posiblidad na hinoldap ang biktima at nagtangkang manlaban kaya pinatay ng ‘di nakilalang salarin.
“Mayroon na kaming dalawang person of interests sa krimen, isa rito ay kapitbahay ng biktima at ang isa ay residente sa katabing barangay, kaya iimbitahan namin sila,” ani Frejas.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente na naitalang isang kaso ng “robbery with homicide”.
- Latest