Hepe ng pulisya sa Cebu, natagpuang patay
MANILA, Philippines — Natagpuang patay ang hepe ng Tuburan Municipal Police Station (MPS) sa loob ng tanggapan nito sa Tuburan, Cebu nitong Sabado ng hapon.
Kasalukuyang nagluluksa ang Cebu Provincial Police Office (CPPO) sa pagkamatay ni P/Lt. Col. Glenn Hife.
Si Hife ay nadiskubreng wala nang buhay dakong alas-5:30 ng hapon sa loob ng kuwarto ng kanyang opisina sa naturang police station.
Sa imbestigasyon nitong umaga ng Sabado ay dumaing si Hife na masakit ang kaniyang tiyan at nagkulong sa kaniyang opisina para umano magpahinga.
Gayunman, nagsimulang mag-alala ang mga tauhan ni Hife nang dakong alas-5 na ng hapon ay hindi pa siya lumalabas ng kaniyang opisina.
Nang tunguhin ang silid ni Hife, dito na nadiskubre na hindi na siya gumagalaw at matigas na ang katawan.
“The CPPO is deeply saddened by the passing of Police Lt. Col. Glenn Hife, chief of police of Tuburan Municipal Police Station. Hife tirelessly served his community with unwavering commitment to peace and order,” ayon sa press statement ng CPPO.
Ipinaabot din ng CPPO ang kanilang pakikiramay sa naulilang pamilya ng nasabing hepe ng Tuburan na inaalam pa ang sanhi ng kanyang pagkasawi.
- Latest