4 dedo sa aksidente sa Davao naiuwi na sa Maguindanao
COTABATO CITY, Philippines — Naiuwi na sa Barangay Tamontaka sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte ang mga labi ng apat na magkakamag-anak na nasawi sa matinding highway accident sa Binugao sa Toril District sa Davao City nitong umaga ng Sabado.
Sa ulat ng Davao City Police Office, sakay ng isang air-conditioned van ang magkabiyak na sina Remie Centena at Edna Centena at ang kanilang mga kasamang sina Joy Lastimoso at Sherlyn Altimo, pauwi na sa Barangay Tamontaka sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte mula sa Davao City nang maganap ang aksidente.
Nasapol ang gilid ng kanilang sinasakyang van na minamaneho ni Omar Lastimoso, ng isa pang van mula sa kabilang direksyon ng highway na dahil sa sobrang bilis ay lumihis kaya nagkabanggaan na nagsanhi rin ng pagkaka-ospital ng lima pang kasama ng apat na nasawi.
Agad namang naiuwi sa Barangay Tamontaka ng mga kawani ng Datu Odin Sinsuat Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office na pinamumunuan ni Mayor Lester Sinsuat, ang mga labi ng magkabiyak na Centeno, Lastimoso at Altimo.
Nangako rin ang mayor ng ayuda para sa mga pamilya ng mga namatay sa aksidente.
Nasa kustodiya na ng Davao City Police ang driver ng van na nakabangga sa sasakyan ng mga biktima na si Khadafy Landasan Salik na taga-Kabacan, Cotabato at nahaharap sa patung-patong na kaso.
- Latest