Collector nalaglag sa elevator, patay!
OBANDO, Bulacan, Philippines — Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng collector ng isang motorcycle dealer matapos siyang aksidenteng malaglag sa elevator na kanyang ikinamatay, sa bayang ito noong bisperas ng Bagong Taon, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Kinilala ng Obando Police ang nasawing biktima na si Juhn Lloyd Teruel 25, tubong Iloilo, at residente ng Brgy. Pag-asa. Obando, Bulacan.
Sa imbestigasyon, naganap ang insidente bandang alas-11:45 ng gabi nitong Disyembre 31 sa isang gusali sa Brgy. Pag-asa.
Ayon sa report, habang ang biktima ay paakyat sa 4th floor ng isang gusali nang aksidenteng lumusot ang tinatapakan nitong flooring ng elevator na gawa umano sa plywood.
Dahil dito, bumagsak ang biktima sa ground floor na agad namang dinala ng rumespondeng rescue team sa Dalandanan Emergency Hospital sa Valenzuela City para sa paunang lunas subalit binawian din ng buhay.
Sinasabing ang biktima ay masipag na nagtatrabaho para makapag-ipon at matupad ang pangarap na makapag-aral sa kursong criminology.
- Latest