Peryahan hinagisan ng granada: 1 todas
COTABATO CITY, Philippines — Isa ang patay sa pagsabog ng granada sa isang peryahan sa Sitio Condring sa Barangay Marbel sa Matalam, Cotabato hatinggabi nitong Martes, bisperas ng Bagong Taon.
Sa ulat nitong umaga ng Miyerkules ni Col. Gilbert Tuzon, Cotabato provincial police director, sa pagamutan na pumanaw sanhi ng mga tama ng grenade shrapnel ang 32-anyos na si Romel Presto Cabiso, residente ng Matalam, Cotabato.
Ayon sa mga local officials, masuwerteng hindi sa mataong lugar sa peryahan sumabog ang fragmentation grenade.
Sinabi ng opisyal ng Matalam Municipal Police Station na bumagsak ang granadang itinapon sa loob ng peryahan ng isang hindi pa kilalang lalaki sa tapat mismo ng kung saan nakatayo si Cabiso at doon sumabog.
Mabilis na tumakas ang salarin kasunod ng pagsabog, na ngayon ay pinaghahanap ng mga pulis at tropa ng 602nd Infantry Brigade ng Philippine Army.
Agad nanawagan sina Matalam Vice Mayor Ralph Ryan Rafael at Cotabato Gov. Emmylou Taliño-Mendoza sa pulisya na kilalanin ang mga responsable sa pagpapasabog ng granada upang mapanagot sa nasabing krimen.
Magkatuwang na nagpaabot na ng inisyal na ayuda sina Rafael at Taliño-Mendoza sa pamilya ng nasawing si Cabiso kasabay ng kanilang pagtiyak ng kanilang tulong sa pagpapalibing sa kanya.
- Latest