Riding-in-tandem utas, pulis sugatan sa shootout
COTABATO CITY, Philippines — Napatay ng isang on-duty na pulis ang dalawang armadong motorista sa isang engkwentro sa Zone 1, Barangay Ayala sa Zamboanga City nitong Martes, bisperas ng Bagong Taon na nagsanhi sa kanyang pagkasugat sa iba’t ibang parte ng katawan.
Sa inisyal na pahayag ng mga barangay officials at mga imbestigador ng Zamboanga City Police Office nitong Miyerkules, posibleng plano umano ng dalawang salarin na lapitan at barilin si Master Sgt. Ryan Mariano upang makuha ang kanyang baril ngunit sila ang nasawi sa kanilang masamang hangarin.
Agad na napatay ni Mariano, kasapi ng anti-illegal drugs enforcement team ng Zamboanga City Police Station 9, ang isa sa riding-in-tandem na lumapit at unang bumaril sa kanya, habang binawian ng buhay sa ospital ang isa pang suspek matapos isugod ng mga barangay at police emergency responders upang malapatan sana ng lunas.
Ginagamot na rin ang sugatang si Mariano sa isang hospital sa Zamboanga City.
Ayon kay Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding, director ng Police Regional Office-9, inaalam pa ng kanilang mga imbestigador kung sino ang mga armadong napatay ni Mariano sa isang shootout na umani ng paghanga sa kanya ng mga opisyal ng iba’t ibang unit ng PRO-9 at kanyang mga kasama sa Zamboanga City Police Station.
- Latest