Lady official ng state university, inutas sa SUV!
COTABATO CITY, Philippines — Wala nang buhay ang isang babaeng engineer na mataas ang posisyon sa isang state university nang matagpuan sa loob ng kanyang SUV na nakaparada sa gilid ng highway sa Barangay Paco sa Kidapawan City nitong tanghali ng Lunes.
Sa inisyal ng ulat nitong hapon ng Lunes ni Col. Gilbert Tuzon, Cotabato provincial police director, may tama ng bala sa leeg si Engineer Shiela Ramos Bautista, habang nakatungo sa driver’s seat ng kanyang Toyota Fortuner na nakaparada sa gilid ng highway sa Barangay Paco, Kidapawan City.
Si Bautista, residente ng Barangay Manongol sa Kidapawan City na siyang provincial capital ng Cotabato, ay isang professor at department head sa University of Southern Mindanao sa bayan ng Kabacan sa probinsya.
Inaalam pa ng mga imbestigador ng Kidapawan City Police Office kung sino pumatay kay Bautista na ang minamanehong Toyota Fortuner na may plakang NCN-2291 ay naka-handbrake pa at nakaparada nang maayos sa gilid ng highway, na isang indikasyon na kanyang sadyang itinigil ang sasakyan sa naturang lugar.
Ayon sa kabiyak at mga kamag-anak ni Engr. Bautista na dumating sa crime scene, nang mabalitaan ang nangyari sa huli, may ihahatid lang na mahalagang bagay sa isang lugar ang opisyal nang mapatay ng hindi pa kilalang mga salarin.
- Latest