4 pulis timbog sa holdap sa Bulacan!
MANILA, Philippines — Arestado ang apat na pulis kabilang ang isang AWOL (absent without official leave) nang maagapan ng mga tauhan ng Mecauayan City Police Station ang kanilang panghoholdap sa isang establisimyento sa Bulacan, Sabado ng gabi.
Batay sa report na nakarating sa Camp Crame, kinilala ang mga pulis na sina Cpl Jayson Medallad at SSgt Mark Raian Vicente kapwa nakatalaga sa Caloocan City Police Station; Cpl Jayson Medallada ng Quezon City Police District (QCPD) at Pat Reiniel Basilio, na AWOL sa Malabon City Police Station.
Sa report, dinakip ang apat ng kanilang mga kabaro alas-10:20 ng gabi nitong Sabado sa El Camino Road, Brgy. Perez, Meycauayan City, bunsod ng tawag mula sa isang concerned citizen.
Nakita ng mga saksi na ikinasa na ng mga suspek ang kanilang mga baril at papasukin ang isang establisimyento kung kaya agad silang tumawag ng mga pulis.
Mabilis na nagresponde sa lugar ang mga awtoridad at dinatnan nila ang mga suspek na hawak-hawak pa ang kanilang mga baril.
Wala namang maipakitang papel ng kanilang dalang mga baril ang mga suspek at sa halip ay nakuhanan sila ng apat na piraso ng transparent plastic sachet na pinaniniwalaang shabu.
Nakuha rin ng apat na suspek ang cal. 45 Pistol, apat na cal. 9mm pistol, PNP IDs, 9 na cellphones, apat na motorcycle helmets, mga damit, ball caps, anim na bonnet, dalawang LTO motorcycle license plates, at tatlong motorsiklo.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong administratibo at paglabag sa Republic Act (RA) 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) and Republic Act (RA) 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
- Latest