Suspek sa pagpatay ng kapitbahay inutas, lola dinamay
Pinasok sa bahay habang natutulog
LOPEZ, Quezon, Philippines — Pinagbabaril hanggang sa mamatay habang natutulog ang isang 55-anyos na lalaki na umano’y suspek sa pamamaslang sa kapitbahay, may 10 taon na ang nakalilipas habang idinamay din ng mga salarin ang lola nito kamakalawa ng gabi sa Barangay Calantipayan sa bayang ito.
Ang mga biktima na kapwa nagtamo ng mga tama ng bala ng hindi na batid na kalibre ng baril sa kanilang mga ulo at iba’t ibang parte ng katawan ay kinilalang sina Armando Lapuz, at Nelia Leona, 71.
Tinutugis na ngayon ang tatlong suspek na ang isa ay nakilala sa pangalang si alyas Danny Boy.
Ayon kay PLt. Dandy Aguilar, chief of police sa bayang ito, bandang alas-12:00 ng gabi habang mahimbing na natutulog sa magkahiwalay na kuwarto ang mga biktima nang pasukin ng mga suspek saka niratrat na ang mga putok ng baril ay narinig ng kanilang mga kapitbahay.
Nadiskubre ang mga duguan at wala nang buhay na katawan ng mga biktima dakong alas-7:20 ng umaga.
Lumalabas sa pagsisiyasat na paghihiganti ang posibleng motibo sa pamamaslang at idinamay na rin ang matanda dahil sa sobrang galit ng mga salarin.
Ayon sa pulisya, si Armando umano ang suspek sa pamamaslang noong 2014 sa ama ng suspek na si Alyas Danny Boy.
Nahaharap ang mga salarin sa kasong double murder.
- Latest