COTABATO CITY, Philippines — Patay sa mga tama ng bala ang isang dating barangay chairman at kanyang anak nang tambangan ng mga armado sa Barangay Kajatian sa Indanan, Sulu nitong Linggo.
Sa mga hiwalay na ulat ng mga opisyal ng Sulu Provincial Police Office at ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, magkaangkas sa motorsiklo sina Fadjiri Abdirajan Biao, 27-anyos, at ang kanyang 61-anyos na ama na si Faizal Ibrahim Biao nang paputukan ng M16 assault rifles sa isang liblib na bahagi ng highway sa Barangay Kajatian sa Indanan.
Dating chairman ng Barangay Kandaga sa Talipao, Sulu ang napaslang na nakatatandang Biao.
Ang bayan ng Indanan, kung saan sila na-ambush, ay hindi kalayuan sa Jolo na kabisera ng Sulu.
Sa ulat ng Indanan Municipal Police Station, mabilis na nakatakas ang mga pumatay sa mag-ama sakay ng isang Sports Utility Vehicle.
Ayon kay Macapaz, nagtutulungan na ang mga imbestigador ng Indanan Police at mga local officials sa probinsya sa pagkilala sa mga responsable sa naturang krimen upang masampahan ng kaukulang mga kaso.