Samar lumubog sa baha dahil sa shear line
MANILA, Philippines — Dumanas ng matinding pagbaha ang ilang bahagi ng lalawigan ng Samar sa malalakas na pag-ulan na dulot ng epekto ng shear line.
Sa report kahapon ng Office of Civil Defense (OCD) Region 8, nagsara sa trapiko ang ilang mga pangunahing daan sa Samar matapos malubog sa baha.
Ang mga pangunahing highway sa Catubig at Las Navas sa Northern Samar ay hindi rin madaanan ng lahat ng uri ng behikulo dahil sa mga pagbaha. Kabilang pa rito ay ang highway ng Arteche-Jipapad-Las Navas-Rawis Road na nag-uugnay sa Eastern Samar at Northern Samar.
Hanggang tuhod naman ang baha sa Simona Kawilan Village sa Laoang, Northern Samar at maging sa kahabaan ng Artece-Jipapad-Las Navas-Rawis Road na barado rin sa trapiko.
Samantala, hindi rin madaanan ng mga behikulo ang Quezon Village sa bayan ng Bobon at sa Bugko Village sa bayan ng Mondragon pawang sa Northern Samar.
Iniulat din na maging sa Eastern Samar ay barado na rin ang road section sa bahagi ng Brgy. Malinaw, San Pablo at Mabuhay; mula naman sa bayan ng Taft. Apektado rin ng pagbaha ang Brgy. Lokilokon sa bayan naman ng Paranas, Samar.
Limitado naman ang madadaanan sa bahagi ng Catarman, Calbayog Road na nag-uugnay sa Samar at Eastern Samar.
- Latest