Babae sinunog, itinapon sa bakanteng lote!

Inaalam na ng Bacoor City Police ang pagkakakilanlan ng nasabing babae at kung sino ang responsable sa kanyang malagim na kamatayan makaraang matagpuan ang bangkay nito sa isang bakanteng lote sa loob ng Masterpiece Property, Villar City, Brgy. Molino 4, ng nasabing lungsod.
STAR/ File

CAVITE MANILA, Philippines — Karumal-dumal na kamatayan ang sinapit ng isang babae matapos na sunugin ng hindi kilalang salarin at itapon ang bangkay nito sa isang bakanteng lote sa Bacoor City nitong Sabado umaga.

Inaalam na ng Bacoor City Police ang pagkakakilanlan ng nasabing babae at kung sino ang responsable sa kanyang malagim na kamatayan makaraang matagpuan ang bangkay nito sa isang bakanteng lote sa loob ng Masterpiece Property, Villar City, Brgy. Molino 4, ng nasabing lungsod.

Lumalabas sa inisyal na pagsisiyasat nina P/Cpl. Gibson Sabandal at Pat. Levin Sinatad,  isang security guard na si Oscar Reymundo Hermoso, 59-anyos, may-asawa, residente ng Queensrow East, Bacoor City, Cavite, na naka-duty sa nasabing lugar ang nakadiskubre sa sunog na babae dakong alas-7:15 ng umaga habang siya ay nagsasagawa ng roving inspection.

Agad na inireport ng guwardya sa pulisya ang pagkakatagpo nito sa bangkay ng babae.

Rumesponde agad sa lugar ang Sector 5 Echo 1 patrollers ng Bacoor Component City Police Station at tumambad sa kanila ang bangkay ng babae na “partially burned”.

Ang mga investigators-on-case ay agad na ipinadala sa crime scene habang nagsagawa ng pagsusuri sa bangkay ang SOCO (Scene of Crime Operatives) na mula sa Cavite Provincial Forensic Unit at sa inisyal nilang pagsisiyasat ay nakitaan ng sunog ang ibang parte ng katawan ng biktima. Inaalam pa nila kung may mga tama ito ng saksak o bala sa katawan.

Naniniwala ang pulisya na hindi residente ng nasabing lugar ang biktima dahil sa walang nakakilala sa kanya sa barangay.

Bunsod nito, nangangalap na ang awtoridad ng CCTV footages sa bisinidad na maaaring makatulong sa imbestigasyon upang maresolba ang kaso.

Show comments