Pag-ambush sa election supervisor sa Sulu, ‘election-related’ – Comelec
MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na ang pananambang sa isang election officer sa Sulu kamakalawa ay maikukonsiderang isang election-related violence.
Ayon kay Garcia, mismong si Sulu Provincial Election Supervisor Atty. Vidzfar Amil Julie, 51-anyos, na ang nagsabi na ang pananambang sa kanya sa Zamboanga City noong Sabado, na ikinasawi ng kanyang nakatatandang kapatid na si Nasser, 57, ay maaaring may kinalaman sa nalalapit na 2025 National and Local Elections (NLE).
“Siya ang nagsasabi na mukhang ito’y election-related sapagkat meron silang mga tinanggihan na mga bagay doon sa mga ilang politiko roon. Kung kaya ‘yan ang ating lead, ‘yan ang ating sinusubaybayan lalo na sa imbestigasyon na ginagawa ng PNP,” ayon kay Garcia sa panayam sa radyo (dzBB) nitong Linggo.
Kinumpirma rin ni Garcia na ito na ang ikatlong insidente ng karahasan laban sa isang field personnel ng Comelec matapos ang paghahain ng kandidatura noong Oktubre.
Dagdag pa niya, ang mga naturang insidente ng karahasan ay maaari nilang gamiting basehan upang maikonsidera ang naturang lugar bilang “area of concern” o mailagay sa ilalim ng Comelec control.
Matatandaang lulan ng kanyang SUV si Vidzfar kasama ang kanyang kuya nang sila ay tambangan at pagbabarilin ng mga ‘di kilalang lalaki na nakamotorsiklo.
Hindi nasaktan si Vidzfar ngunit nasawi ang kanyang kapatid dahil sa isang tama ng bala sa ulo.
Nanawagan naman si Garcia sa mga awtoridad na kaagad na arestuhin ang mga taong nasa likod ng naturang krimen.
- Latest