Election officer tinambangan, kuya utas
COTABATO CITY, Philippines — Nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang isang provincial election supervisor ng Sulu habang idineklarang patay sa pagamutan ang nakatatandang kapatid nito nang tambangan at pagbabarilin ng mga armadong kalalakihang lulan ng motorsiklo sa Barangay Sta. Maria sa Zamboanga City nitong Sabado ng umaga.
Sa inisyal na ulat ng mga opisyal Zamboanga City Police Office at ng Police Regional Office-9 isang oras matapos ang insidente, magkasama sa isang Toyota Fortuner ang abogadong si Vidzfar Amil Julie, 51-anyos, provincial supervisor ng Commission on Elections (Comelec) sa Sulu, at ang kanyang 57-anyos na kapatid na si Nasser Amil nang sila ay pagbabarilin ng mga armadong sakay ng motorsiklo.
Nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang kapatid ng Comelec official na maagap namang naisugod ng mga emergency responders sa isang hospital para malapatan ng lunas subalit makalipas ang ilang oras ay idineklarang patay.
Kinumpirma rin kahapon ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na ligtas sa ambush ang nasabing election officer habang ang kapatid nito ay nasawi sa ospital.
Ayon kay Police Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding, director ng PRO-9, inaalam pa ng kanilang mga imbestigador kung sino ang nasa likod ng naturang krimen.
Mabilis na nakatakas ang mga bumaril kay Julie at kapatid nito matapos paputukan ng ilang ulit ang kaliwang gulong sa likuran ng kanilang sinasakyang SUV na Toyota Fortuner kaya naiwan na ito sa gitna ng kalye, ayon sa mga barangay officials na nagresponde sa insidente.
- Latest