Highway sa CamSur hinati sa 2 ruta
LEGAZPI, Albay, Philippines — Dahil sa inaasahang mas lalong bubuhos ang bilang ng mga pasahero at sasakyang pauwi at palabas ng Bicol Region pati na ang patungong Visayas at Mindanao Regions ngayong holiday season na posibleng magpalala pa sa mahigit 6-na oras na traffic sa Andaya Highway sa bayan ng Lupi, Camarines Sur, hinati na sa dalawang ruta ang mga sasakyang bumibiyahe at dumadaan sa lugar.
Ayon kay Lucy Castañeda, tagapagsalita ng Department of Public Works and Highways Regional Office 5, katuwang ang Police Regional Office 5 at ilang ahensya, napagkasunduang lahat ng mga maliliit na uri ng sasakyan mula Kamaynilaan papasok ng Bicol Area ay huwag nang padaanin sa Andaya Highway.
Sa halip tutungo sila sa Capalonga-Sta.Elena Section palabas ng Daet sa lalawigan ng Camarines Norte. Gayundin ang mga paluwas ng Metro Manila.
Sa naturang ruta ay tanging ang mga light vehicles lang ang puwedeng dumaan ngayon dahil sa pagkasira ng Talagpucao Bridge sa Capalonga dahil sa mga pag-ulan.
Ipinaalala lang na mas mahaba ng 8-oras ang biyahe sa naturang daan pero tuluy-tuloy kumpara naman kung maipit sa traffic sa Andaya Highway sa bayan ng Lupi na hindi bababa sa 6-oras dahil sa isang lane lang ang salitang ginagamit dahil sa pagbagsak ng lupa sa ilalim ng kalsada.
Sa kabilang dako, lahat ng bus, trak at mga heavy equipment ang hahayaang dumaan sa Andaya Highway.
Nagpadala na umano ng karagdagang mga pulis si PRO5 regional director Brig.Gen.Andre Perez Dizon sa dalawang ruta upang magbigay ng direksyon at imantini ang kaayusan ng biyahe ng lahat ng sasakyan at mga pasahero.
- Latest