Simbahan pinasok: Donation box na may P1K cash tangay
Kasabay ng unang Simbang Gabi
CAVITE, Philippines — Kasabay ng paghahanda sa pagdagsa ng mga debotong Kristiyano sa unang araw ng Simbang Gabi, hindi pinatawad ng isang kawatan ang Simbahan na isang banal na lugar makaraang sumalisi at tangayin ang isang donation box na naglalaman ng pera sa Brgy. Poblacion 1, bayan ng Tanza, sa lalawigang ito kahapon ng madaling araw.
Agad namang naaresto ang suspek sa follow-up operation ng pulisya na kinilala sa alyas “John”, nasa hustong gulang at residente ng Tanza, Cavite.
Sa ulat ng Tanza Police, alas-2 ng madaling araw nang pasukin ng suspek ang St. Augustine Church at tinangay angh donation box sa Brgy. Poblacion 1, Tanza.
Naglalaman umano ang donation box ng halagang P1,019 cash na mula sa mga hinulog ng mga debotong nagsisimba.
Agad na natukoy ng pulisya ang responsable sa krimen kaya mabilis silang nagsagawa ng follow-up operation na ikinaaresto ng suspek.
Nabawi rin ng mga awtoridad mula sa suspek ang tinangay nitong donation box ng simbahan.
- Latest