Kampanya vs kriminalidad sa C. Luzon pinaigting, 3-libong pulis ipinakalat
CAMP OLIVAS, Lungsod ng San Fernando, Pampanga, Philippines — Patuloy na nakaalerto ang buong puwersa ng pulisya sa Gitnang Luzon habang ipinatutupad ang mahigpit na seguridad at kaligtasan ng publiko sa buong rehiyon ngayong kapaskuhan at darating na Bagong Taon sa ilalim ng “Ligtas Paskuhan 2024”.
Ayon kay PRO3 Director PBGen Redrico Maranan, inatasan na ang lahat ng mga City at Provincial Directors ng iba’t ibang Police Provincial/City Police Offices na ipagpatuloy ang mga police-focused operations at panatilihin ang mataas na antas ng alerto at kahandaan sa pagpapatupad ng Enhanced Managing Police Operations gayundin ang peace and order operational framework ng PRO3 na Enhanced Police Presence (EPP) + Quick Response Time (QRT) + Counter Actions Against Drug Groups, Criminal Gangs, and Private Armed Groups (CADCP) = Safe Region 3 (SR3).
Pinaiigting din ang security inspections at presensiya ng pulisya sa mga terminal ng bus at matataong lugar.
Sinimulan na kahapon ang pagtatalaga ng nasa 3,000 tauhan ng PRO3 na magbabantay sa mga Police Assistance Desk sa mga transport terminal, establisyimentong pangkalakalan, lugar ng pagsamba, at community firecracker zones upang tiyakin ang kaayusan at kaligtasan ng publiko.
Mag-aantabay rin ang mga Motorist Assistance Hubs na may kasamang Route Safety Marshals sa mga pangunahing kalsada at alternatibong ruta sa rehiyon na mananatili hanggang Enero 6, 2025.
Nasa mahigit 350 dagdag na puwersa mula naman sa BFP, AFP at Coast Guard pati na rin ang mahigit 2,500 na myembro ng iba’t ibang advocacy groups ang magiging katuwang ng PRO3 upang mapalawak ang seguridad sa mga komunidad.
- Latest