Bacolod City Central Public Market, nasunog
MANILA, Philippines — Umaabot sa P4.7 milyon halaga ang napinsala makaraang matupok ng apoy ang 18 stalls sa Mercado Publico o ang Bacolod City Central Public Market, kamakalawa.
Sa report ng Bureau of Fire Protection (BFP) -Bacolod City, dakong alas-2:50 ng madaling araw nang maganap ang sunog na tumupok sa 18 stalls na tuluyang naabo habang nasa 13 naman ang nagtamo ng pinsala sa insidente.
Ang sunog ay umabot sa ikalawang alarma kung saan kabilang sa natupok ng apoy ay isang tailoring shops, mga sari-sari stores, tindahan ng alahas at mga kainan.
Sa pahayag ng mga stall owners sa mga otoridad, nagulantang na lamang sila ng may makapagbalitang nasusunog ang nasabing mga stalls sa palengke ng lungsod.
Nabigo na ang naturang mga negosyante na maisalba ang kanilang mga paninda dahilan nababalutan ng makapal na usok at apoy ang buong kapaligiran.
Naideklara naman ng mga nagrespondeng bumbero ang fireout ganap na alas-3:20 ng madaling araw at wala namang naiulat na nasugatan gayundin ang nasawi sa insidente.
- Latest