Sanggol, 2 pa todas sa ambush!
COTABATO CITY, Philippines — Tatlo ang patay kabilang ang isang sanggol at kanyang ina matapos silang tambangan at pagbabarilin sa isang ambush sa Barangay Mileb, Radjah Buayan, Maguindanao del Sur nitong hapon ng Huwebes.
Sa mga hiwalay na ulat nitong Biyernes ng mga opisyal ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office at ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-
Bangsamoro Autonomous Region, sina Harrah Jinn Utto Lumenda Basalo, ang kanyang tatlong-buwang sanggol at ang kanilang driver na si Nunokan Manalindo ay namatay sa mga tama ng bala ng sila ay tambangan ng mga armado sa isang bahagi ng highway sa Barangay Mileb.
Patungo sa kung saan ang mga biktima, sakay ng kanilang minivan na minamaneho ni
Manalindo, nang ma-ambush na nagresulta sa kanilang agarang pagkamatay.
Lumihis at nagawi sa madamong gilid ng highway ang sasakyan ng mga biktima nang mawalan ng kontrol ng manibela si Manalindo sanhi ng mga tama ng bala sa kanyang ulo na dahilan ng kanyang agarang kamatayan.
Inaalam pa ng mga imbestigador ng Radjah Buayan Municipal Police Station kung sino ang mga nag-ambush kina Basalo, na ang mga magulang ay mula sa malalaking angkan sa Maguindanao del Sur.
Ayon kay Macapaz, tumutulong ang mga local officials sa Radjah Buayan sa pagkilala sa mga responsable sa naturang pananambang na mabilis na nakatakas, hinahanap na ng mga pulis at mga intelligence agents ng mga Army units sa Maguindanao del Sur.
- Latest