Kelot tiklo sa paggawa ng P51K iligal na paputok
MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Arestado ng mga pulis ang 52-anyos na lalaki matapos mahulihan ng P51,000 halaga ng kwitis sa iligal na pagawaan ng paputok sa bayan ng Sta. Maria, dito sa lalawigan.
Kinilala ng pulisya ang naarestong suspek sa alyas na “Mang Boy”, residente ng Brgy. Pulong Buhangin.
Sa report na nakarating kay Bulacan Police director PCol. Satur Ediong, nahuli ng mga pulis ng Sta. Maria ang suspek na aktong gumagawa ng paputok bandang 2:40 ng hapon nitong Disyembre 11 sa Brgy. Pulong Buhangin.
Nabatid sa report na walang naipakitang permit ang suspek nang salakayin ng mga awtoridad ang pagawaan ng paputok kaya siya inaresto.
Sinasabing narekober sa operasyon ang nasa 10,200 piraso ng kwitis na nagkakahalaga ng P51,000.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 7183 (An Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution and Use of Firecrackers and Other Pyrotechnic Devices.
- Latest