3 Boy Scouts nakuryente, patay; 11 malubha
Kinakargang tent,sumabit sa kawad
COTABATO CITY, Philippines — Patay ang tatlong Boy Scouts habang 11 na iba pa ang naisugod sa ospital nang aksidente silang makuryente sa kanilang jamboree site sa Abong Abong sa Zamboanga City, kahapon ng umaga.
Kinumpirma rin nina Zamboanga City Mayor John Dalipe at Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding, director ng Police Regional Office-9, ang pagkasawi ng mga Boy Scout na sina Kevin Iquid, Geoffrey Atillano and Alvin Gaspar habang ang 11 ay nadala sa ospital.
Ayon sa mga imbestigador ng Zamboanga City Police Office at mga opisyal ng Bureau of Fire Protection sa lungsod, ang mga biktima ay nakuryente nang tumama sa nakalaylay na power cable ng Zamboanga City Electric Cooperative ang kinakarga nilang tent na may mga metal materials na kanila sanang ililipat sa isang lugar sa kanilang camping area sa Abong Abong.
Nangako ng ayuda si Mayor Dalipe sa mga pamilya ng mga nasawi sa insidente at pagpapagamot ng iba pang mga biktima.
- Latest