Senglot lumangoy sa swimming pool, nalunod
MANILA, Philippines — Minalas na malunod ang isang helper nang maligo sa swimming pool matapos uminom ng alak sa isang pribadong resort sa Jalajala, Rizal,kamakalawa ng gabi.
Tinangka pa ng mga doktor ng Jalajala Ynares Municipal Hospital na isalba ang biktimang si Carter Christian Cruz, 24, helper at residente ng Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City ngunit binawian rin ito ng buhay.
Lumilitaw sa inisyal na ulat ng Jalajala Municipal Police Station, alas-9:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng isang pribadong resort sa Brgy. Third District, sa Jalajala.
Bago ang insidente ay nagkayayaan umanong mag-overnight swimming sa naturang resort ang biktima at kanyang mga kaibigan.
Nag-inuman rin umano sila ng alak ngunit bago tuluyang matulog ay nagkayayaan pa silang muling maglangoy sa swimming pool upang maginhawahan.
Ngunit makalipas lamang ang ilang minuto ay napuna umano nilang tila hindi na kumikilos ang biktima na agad iniahon at isinugod sa pagamutan upang malunasan ngunit nasawi rin.
- Latest