2 lalaki arestado sa higit P1.7 milyong iligal na yosi
CAMP OLIVAS, San Fernando City, Pampanga, Philippines — Dalawang lalaki ang inaresto ng mga otoridad nang masabat sa kanila ang mga iligal na yosi sa Zaragoza, Nueva Ecija, nitong Disyembre 10 ng umaga.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni PRO3 Director Police Brigadier General Redrico Maranan, alas-3:00 ng madaling araw, nakatanggap ang mga tauhan ng 2nd Maneuver Platoon, 1st PMFC, NEPPO, ng impormasyon ukol sa isang trak na magdadala ng ilegal na sigarilyo na daraan sa Zaragoza.
Agad silang nakipag-ugnayan sa Zaragoza Municipal Police Station (MPS), at nagsagawa ng checkpoint operation sa Sta. Rosa-Zaragoza Road, Barangay Carmen, Zaragoza, Nueva Ecija.
Dakong alas-5:00 ng umaga pinahinto nila ang isang trak para sa routine inspection na kung saan ay nakita nila ang iba’t ibang kahon na may lamang iba’t ibang uri ng Chinese cigarettes.
Nang tanungin ang driver at pahinante na kinilalang sina alias “Vin,” at alias “Mon,” sa kaukulang mga dokumento ay wala silang naipakita kung kaya naman sila ay inaresto ng mga otoridad.
Nakumpiska sa kanila ang 147 mga kahon ng iba’t ibang uri ng Chinese cigarettes na nagkakahalaga ng tinatayang P1,764,000.00.
- Latest