Abra Governor sinuspinde ng Palasyo ng 2-buwan
BAGUIO CITY, Philippines — Pinatawan ng dalawang buwang suspensyon ng Malacañang si Abra Governor Dominic Valera dahil sa paglabag sa Local Government Code of 1991.
Batay sa naging desisyun na inilabas ni Deputy Executive Secretary for Legal Affairs Atty. Anna Liza Logan, agaran at epektibo ang 60-day suspension ni Gov. Valera sa panahong matanggap at kilalanin ito.
Ang desisyon ng DESLA ay batay sa reklamong inihain noong 2023 ng maybahay ni Bucay Sanggunian Bayan member Juan Palcon na sumakabilang buhay rin sa naturang taon.
Sa reklamo ng asawang si Febes Alzate Palcon, isinaad na ibang tao ang ipinanumpa bilang SB member kapalit ng namayapang asawa sa kabila na siya umano ang nararapat na pumalit na malinaw na paglabag ni Gov. Valera at Vice Gov. Ma. Jocelyn Valera-Bernos sa Local Government Code.
Ayon pa kay Palcon, inindorso ni ngayo’y suspendidong Sanggunian Panlalawigan presiding chair at Vice Gov. Valera-Bernos ang naturang indibiduwal sa kabila na ang maybahay ng namatay na SB member Palcon ang minanduhan ng pambansang liderato ng National Unity Party (NUP) upang humalili sa nasirang asawa.
Sa kabila pa nito, hindi umano si suspended Valera-Bernos ang karapat-dapat na mag-indorso dahil bukod sa pinatalsik siyang provincial chairman ng NUP, ay ang pambansang liderato ng partido ang may karapatang mag-indorso sa papalit sa kasapi nito sa upuan bilang SB member ng bayan ng Bucay.
Una nang pinatawan ng 18 month suspension si Valera-Bernos ng Malacañang nitong nakaraang buwan dahil sa 3-counts ng administrative breaches noong pandemic nang i-lock down nito ang isang ospital sa Bangued, Abra nang walang pahintulot ng Regional Anti-Covid Task Force.
- Latest