Misis na tumatawid patay sa ‘hit-and-run’
CAVITE, Philippines — Patay ang isang misis makaraang mabiktima ng “hit-and- run” habang papatawid sa kahabaan ng Aguinaldo Highway sa Brgy. Lalaan 2, Silang, dito.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Rosario Canoza De Leon, residente ng Brgy. Lalaan 2, Silang, Cavite.
Hindi naman nakilala ang suspek subalit nakuha ang plate number ng sasakyan nitong puting SUV na NAN 8911.
Sa ulat ng pulisya, alas-10:50 ng gabi habang tumatawid ang biktima sa nasabing highway nang suyurin siya ng nasabing sasakyan at sa halip na hintuan ay pinaharurot ng driver patakas.
Tumilapon ang biktima at nagtamo ng matitinding pinsala sa ulo at katawan. Naitakbo pa siya sa Silang Specialist Medical Center subalit idineklarang dead-on-arrival.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang pulisya at nakipag-coordinate na rin sila sa Land Transportation office (LTO) para sa pagkakakilanlan ng driver at may-ari ng sasakyang nakasagasa sa ginang.
- Latest