Magdyowa hinoldap ng ka-business deal sa resort
ANTIPOLO CITY, Rizal, Philippines — Natangay ang mahigit P800-libong cash, alahas at pati motorsiklo ng isang mag-asawa nang makipagkita sa nagpanggap na magbebenta ng mga alahas sa isang resort sa Antipolo City nitong Huwebes ng hapon.
Sa reklamo nina alyas “Angelito”, 23, at live-in partner na si alyas “Joanna”, 25, kapwa residente ng Tondo, Maynila, apat na hindi kilalang lalaki ang mga suspek sa panghoholdap sa kanila ng alas-4:00 ng hapon ng Disyembre 5, 2024, sa Hope Private Resort sa Barangay Sta. Cruz, Antipolo city.
Sa imbestigasyon ng Antipolo Component City Station, nagkaroon ng online transaction para sa bibilhing mga alahas ng biktima mula sa suspek at nagkita sa resort na sinabi ng suspek.
Dala ng mga biktima ang 530,000 cash na ipambabayad sana sa binibiling alahas ng suspek nang magtungo at pumasok sila sa resort. Habang nasa loob na bigla silang kinabahan, nang biglang i-lock ng suspek sa front door.
Mabilis na nagdesisyon ang mga biktima na umuwi na lang kaya sumakay sila sa kanilang dalang motorsiklo na Yamaha Aerox, subalit biglang lumutang ang tatlo pang lalaki na armado ng baril, na nagmula sa silid ng resort at puwersahang kinuha ang dala nilang P530,000 cash at mga alahas na nasa P300,000 ang halaga.
Kasunod nito, mabilis na iginapos ng mga suspek ang dalawa sa loob ng silid ng resort. Tinangay rin ang kanilang motorsiklo na kulay blue at orange na may plakang 490 PAK.
Nagsagawa na ng hot pursuit operation ang Antipolo Police laban sa mga suspek na tumakas sakay rin ng mga get-away motorcycle na Suzuki Raider at Honda ADV.
- Latest