P15 milyong imported na yosi nasabat sa Zamboanga Sibugay
COTABATO CITY, Philippines — Nasamsam ng mga pulis ang may P15 milyon na halaga ng sigarilyong gawa sa Indonesia sa isang anti-smuggling operation sa Siay, Zamboanga Sibugay, madaling araw nitong Martes.
Sa pahayag kahapon ni Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding, director ng Police Regional Office-9, nakumpiska ang 283 na kahon ng mga imported na sigarilyo sa isang smuggler sa Purok 4 sa Barangay Laih, Siay.
Ayon kay Masauding at mga opisyal ng Zamboanga Sibugay Provincial Police Office, katuwang ng PRO-9 ang mga kawani ng Bureau of Customs (BOC), sa anti-smuggling operation na inalalayan ng mga local executives sa probinsya.
Dagdag ni Masauding, may direktiba na siya sa mga opisyal ng mga police units na nagsagawa ng naturang matagumpay na operasyon na ipakustodiya na agad sa BOC ang nakumpiskang kontrabadong aabot sa P15 milyon ang halaga para sa kaukulang disposisyon ng ahensya.
- Latest