11 malalakas na kalibre ng baril samsam sa Maguindanao
MANILA, Philippines — Labingisang loose firearms na pawang malalakas ang kalibre ang nasamsam ng tropa ng militar matapos na abandonahin ng lawless armed groups sa hangganan ng Brgy. Pimbalakan at Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao del Sur kamakalawa.
Ayon kay Lt. Col. Udgie Villan, Commanding Officer ng Army’s 33rd Infantry Battalion, kasalukuyan silang nakikipagpulong sa mga residente sa gymnasium ng Tukanalipao nang isang concerned citizen dito ang nagbigay ng impormasyon hinggil sa mga inabandonang armas.
Sinabi ni Villan, agad silang nagsagawa ng operasyon sa kinaroroonan ng mga sinasabing inabandonang armas mula sa grupo ni Zainodin Kiaro, lider ng lawless sa lugar hanggang sa marekober nila ang mga ito.
Kabilang sa mga nasamsam ay tatlong Cal. 30 sniper rifle, dalawang grenade launcher, dalawang M16A1 Rifle, isang cal. 50 Sniper Rifle, isang cal. 30 Garand Rifle, isang M14 Rilfe at isang cal. 30 Carbine M1.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 73 loose firearms ang nakumpiska mula sa Joint Army-PNP Law Enforcement Operation simula nitong nakaraang linggo.
- Latest