2 rider dedo sa banggaan ng motorsiklo
MANILA, Philippines — Dalawang rider ang nasawi matapos na aksidenteng magbanggan ang mga motorsiklo na kanilang sinasakyan sa national highway ng Brgy. Pondol sa Balamban, Cebu nitong Sabado ng madaling araw.
Kinilala ang mga nasawi na sina Ellroy Alcular Creta, naninirahan sa Brgy. Abucayan ng bayang ito at Jeffrey Tatoy Solasco, mula naman sa kanugnog na bayan ng Tuburan.
Sa imbestigasyon, si Solasco ay bigla na lamang umanong nang-agaw ng linya sa southbound lane ng national highway bunsod upang makabanggaan nito ang kasalubong na motorsiklo na minamaneho naman ni Creta.
Hindi umano napansin ni Creta ang kasalubong na humahagibis na motorsiklo dahilan sa bilis ng mga pangyayari matapos itong mabulaga sa insidente.
Ayon sa ilang nakasaksi, masyado umanong mabilis ang patakbo ng isa sa mga biktima.
Sa lakas ng banggaan, kapwa tumilapon sa kanilang minamanehong motorsiklo ang dalawang rider na kapwa nagtamo ng mga matitinding sugat sa kanilang katawan. Nagawa pa silang maisugod sa Provincial Hospital ng Cebu pero kapwa idineklarang dead-on-arrival.
- Latest