2 lalaki tepok sa pamamaril
CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines — Hindi pa man nalulutas ang insidente ng pamamaril sa Candelaria,Quezon na ikinamatay ng dalawang lalaki at pagkakasugat ng isang babaeng vendor ay may panibagong kaso na naman ng pamamaril sa magkahiwalay na bayan na nagresulta ng pagkamatay ng dalawang lalaki kamakalawa, ayon sa ulat ng Quezon Police Provincial Office (QPPO).
Base sa ulat ni PCol. Ruben Lacuesta, QPPO Director, ang unang insidente ay naganap sa Sitio Kuta, Barangay Ayusan 1, Tiaong, Quezon, alas-5:45 ng hapon.
Nasa loob ng kaniyang bahay si Felipa Arias nang makarinig siya nang sunud-sunod na putok ng baril mula sa labas at nang tingnan ay nakita niyang duguang nakahandusay sa lupa ang kapatid na si Isidro Arias, 42.
Nakita pa niyang tumatakbo papalayo ang isang hindi nakikilalang lalaki kung kaya’t mabilis nilang isinugod ang biktima sa ospital, subalit namatay din kinalaunan.
Samantala ay binabagtas ni Larry Adolfo Sr, 52 na sakay ng motorsiklo ang feeder road ng Sitio Masayahin, Barangay Manggalang Tulu-tulo Sariaya, Quezon, alas-6:25 ng gabi nang barilin sa kanang sentido ng isang hindi nakikilalang lalaki.
Idineklarang dead on arrival sa Quezon Provincial Hospital Network-Candelaria, Quezon ang biktima habang tumakas na sakay ng motorsiklo ang salarin.
- Latest