Nueva Vizcaya, Isabela isinailalim sa state of calamity
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Kapwa nagdeklara ang mga lalawigan ng Nueva Vizcaya at Isabela ng state of calamity nitong Lunes dahil sa matinding pinsala na naranasan sa nagdaan na bagyong Pepito.
Ayon kay Governor Jose Gambito ng Nueva Vizcaya, ang state of calamity declaration ay batay na rin sa rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.
Naitala na mahigit sa P1.4 billion ang nasira sa Nueva Vizcaya kung saan pinakamalaki ang hanay ng agricultura na nasa P917 million, at P11 million sa livestocks dahil sa pagkamatay ng mga alagang baboy, kambing, baka, kalabaw at iba pa na karamihan ay nalunod sa malawakang pagbaha dulot ng bagyong si Pepito.
Umabot naman sa mahigit P200 million ang nawasak sa inprastraktura, P52 million sa flood control projects, irrigation systems na nasa P9 million at mga eskwelahan na humigit sa P80 million.
Pitong katao ang nasawi sa lalawigan matapos matabunan ang kanilang tahanan ng landslide sa Barangay Labang, Ambaguio, habang patuloy na pinaghahanap ang isa pa na pinaniniwalaang tinangay ng tubig baha sa Barangay Dulli sa nasabi ring bayan.
Sa kasalukuyan ay nasa 70% pa lamang ang naibabalik na daloy ng kuryente sa buong lalawigan matapos maputol ang mga poste at kable ng kuryente sa bagsik ni Pepito.
Samantala, sa lalawigan ng Isabela ay nagdeklara na rin ng state of calamity dahil naman sa mga pinsala na dulot naman ng 6 na magkakasunod na bagyo na dumaan sa nasabing lalawigan.
- Latest